Boluntaryong nagbalik-loob sa pamahalaan ang 61 miyembro ng Anakpawis makaraang kumalas sa Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).
Ayon sa Cagayan Provincial Police Office (PPO), ang hindi pinangalanang mga militante ay ni-recruit umano nina Randy Batara at Marilou Atendido sa ilalim ng liderato ng isang Isabelo Adviento.
Isiniwalat ng ilan sa mga miyembro ng Anakpawis na kasali sila sa mga rally sa iba’t ibang lugar sa Cagayan at maging sa tuwing ginugunita ang anibersaryo ng CPP-NPA.
Sumuko umano ang mga Anakpawis members bunsod ng mas pinaigting na community-related activities at kampanya laban sa insurgency ng Alcala Police Station.
Naniniwala naman si Cagayan Police Director Col. Ariel Quilang na malaking dagok sa CPP-NPA ang pagsuko ng mga nasabing militante.