Anim sa sampung Pilipino ang naniniwalang dapat harapin ni dating Pangulong Rodrigo Duterte ang mga kasong isinampa laban sa kanya sa ICC.
Ito ay batay sa survey na isinagawa ng WR Numero research, kung saan 62% ang nagsabing mahalagang sumalang sa paglilitis ang dating pangulo; 20% naman ang tutol; at 19% naman ang hindi tiyak.
52% naman ng mga Pilipino ang sumang-ayon na dapat managot si Duterte sa kasong crimes against humanity dahil sa pagpapatupad ng drug war campaign sa ilalim ng kanyang administrasyon; 24% naman ang tutol; at 25% ang hindi sigurado.
Samantala, 61% ng mga respondent ang naniniwala na maisisiwalat ang katotohanan kaugnay sa mga sinasabing pagpatay noon ng duterte administration kapag natapos na ang paglilitis; 21%, ang hindi naniniwala; at 18% ang undecided.
75% naman ng mga Pilipino ang naniniwala na walang sinuman ang mas mataas sa batas; 16%, ang unsure; at 8%, ang hindi naniniwala.
61% din ng mga Pilipino ang, nanindigan na dapat ding humarap sa icc ng iba pang kapwa akusado ni Duterte, 21% naman ang nagsabing hindi na ito mahalaga; at 18% ang undecided.
Gayunman, hati pa rin ang tiwala ng mga Pilipino sa ICC, dahil 53% ng mga Pilipino ang naniniwalang patas at walang pinapanigan ang nasabing korte, habang 47% naman ang duda.
Isinagawa ang survey sa halos 1,900 respondents sa buong bansa noong March 31 hanggang April 7.—sa panulat ni John Riz Calata