Sinuspinde na ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board o LTFRB ang buong fleet ng Valisno Bus Lines.
Ito’y makaraang masangkot sa panibagong aksidente ang isang unit nito kaninang umaga kung saan, 4 ang nasawi.
Ayon kay LTFRB Chairman Winston Ginez, 30 araw suspendido ang 62 bus ng Valisno epektibo ngayong araw.
Kasunod nito, ipinag-utos din ni Ginez na isailalim sa road worthiness inspection ang lahat ng mga bus ng Valisno.
Ipinag-utos din ni Ginez ang pagsasailalim sa road safety seminar, drug test at pagkuha ng clearance mula sa Philippine National Police at National Bureau of Investigation ng lahat ng tsuper nito.
Driver ng bus tukoy na
Samantala, tukoy na ng Quezon City Police District o QCPD ang pagkakakilanlan ng driver ng bumanggang Valisno Bus sa boundery ng mga lungsod ng Caloocan at Quezon City kaninang umaga.
Ayon kay Senior Insp. Marlon Meman ng QCPD Traffic Sector 2, kinilala ang driver ng bus na si George Pacis na sinasabing tumakas pagkatapos ng aksidente.
Magugunitang binangga ng isang unit ng Valisno Bus na may plakang TXV 715 ang arko na naghahati sa dalawang nabanggit na lungsod.
Wasak na wasak ang kanang bahagi ng bus dahil sa lakas ng pagkakabangga kung saan, natapyas din ang harang sa kanang bahagi nito.
By Jaymark Dagala