Pumalo na sa 65 drug personalities ang nasawi sa pagbabalik ng Oplan Tokhang ngayong taon makaraang manlaban umano ang mga ito sa mga police operations at anti-illegal drug operation ng Philippine National Police.
Ito ay base sa tala ng Philippine National Police Directorate for Operations mula December 5, 2017 hanggang kahapon ng February 14, 2018.
Pitonglibo isangdaan at tatlo (7,103) naman ang drug personalities na naaresto sa mga anti-illegal drug operation.
Apatnalibo tatlongdaan tatlumpu’t siyam (4,339) naman na mga drug personalities ang sumuko sa buong bansa sa ikinasang operasyon ng Oplan Tokhang.
Batay sa bagong guidelines ng PNP kaugnay sa naturang operasyon, isasagawa na lamang ito tuwing alas-8:00 ng umaga hanggang alas-5:00 ng hapon.
Magugunitang December 4, 2017 nang muling ibalik ng PNP ang anti illegal drug operations matapos itong matigil dahil sa mga batikos bunsod ng mga naganap na serye ng patayan.
Posted by: Robert Eugenio