MANANATILING sarado hanggang sa susunod na linggo ang BBM-Sara UniTeam headquarters sa Mandaluyong City.
Ito’y makaraang magpositibo sa COVID-19 ang maraming staff at volunteers ng partido.
Sinasabing nasa 68 staff members at volunteers na ng UniTeam ang tinamaan ng impeksiyon kaya’t ipinag-utos ni dating Senador Bongbong Marcos ang pansamantalang pagsasara ng kanilang headquarters.
Kabilang sa mga dinapuan ng sakit ay ang tagapagsalita ng partido na si Atty. Vic Rodriguez at ilang close-in security personnel na nakasalamuha rin ni BBM.
Agad namang pinauwi ang lahat ng mga empleyado, maliban sa skeletal workforce na namamahala sa preparasyon at distribusyon ng mga relief goods para sa mga biktima ng bagyong Odette.
Ayon kay UniTeam political officer Anton Lagdameo, hindi maaaring itigil ang pamamahagi ng tulong dahil kailangan ito ng mga apektado ng bagyo at nangako na rin aniya sila na tutulungan ang mga ito para makabangon mula sa kalamidad.