Pinangangambahang mawawalan ng trabaho ang nasa animnalibong (6,000) mga empleyado ng Autonomous Region in Muslim Mindanao o ARMM.
Ito ay sakaling magsimula na ang pagpapatupad ng Bangsamoro Organic Law (BOL).
Sa pagdinig ng Senado sa panukalang pondo ng ARMM para sa susunod na taon, binuksan ni Senador Panfilo Lacson ang usapin hinggil sa magiging kapalaran ng mga empleyado ng ARMM oras na mapalitan na ito ng Bangsamoro Autonomous Region.
Dito sinabi ni ARMM Governor Mujiv Hataman na hindi pa malinaw ang magiging kapalaran ng nasa anim na libong (6,000) mga empleyado ng ARMM na posibleng matanggal.
Dagdag ni Hataman, sakaling tanggapin ng mga matatanggal na empleyado ang kanilang separation pay, hindi na maaaring mag-apply ang mga ito sa loob ng limang taon.
Kung hindi naman aniya tatanggap ng bayad ang mga ito, maaari silang mag-apply sa ilalim ng Bangsamoro Autonomous Region.
Inihayag din ni Hataman na hindi niya tiyak kung nakapaloob na sa pondo ng ARMM para sa 2019 ang pambayad sa mga posibleng matanggal na empleyado.
—-