Aabot sa isang milyon kada taon o nasa anim na milyong housing units sa loob ng anim na taon ang target na ipatayo ng Department of Human Settlement and Urban Development (DHSUD).
Ito ang inihayag ni Housing secretary Jose Rizalino Acuzar sa budget hearing ng house committee on appropriations matapos tanungin ni Valenzuela City 2nd District Rep. Eric Martinez sa plano ng gobyerno sa malaki pang backlog sa pabahay.
Ayon kay Acuzar, sa 2023 budget ng DHSUD ay kalahating milyong residential units ang planong ipatayo sa National Capital region habang ang iba ay sa iba’t ibang rehiyon.
Hinimok naman ni Martinez ang kagawaran na silipin ang mga ‘idle’ o hindi nagagamit na lote ng gobyerno bilang posibleng pagtayuan ng Socialized Housing Project.
Iminungkahi rin ng Kongresista na i-prayoridad na maging benepisyaryo ng Government Housing Projects ang mga public school teacher, health care worker o medical frontliner, uniformed personnel at iba pang government workers.