Pinutol na ng pitong (7) Arab nations ang kanilang diplomatic relations sa Qatar.
Ito’y makaraang akusahan ng Saudi Arabia, Bahrain, UAE, Yemen, Egypt, Libya at Maldives ang Qatar na nagkakanlong o sumusuporta sa mga teroristang grupo.
Isinara na ang Saudi-Qatar border at ilang flights na ang kinansela patungo at palabas ng Qatar dahilan upang ma-stranded ang mga pasahero kabilang ang mga Filipino.
Nagkaroon na rin ng panic buying habang pinaaalis na rin ng 7 Arab nations ang mga Qatari diplomat sa kani-kanilang bansa.
Kabilang ang Qatar sa mga binisita ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan.
Tinatayang isang bilyong dolyar ang ibinigay umanong ransom ng Qatar sa mga grupong may kaugnayan sa Al-Qaeda at Iranian Forces sa Syria.
Ito’y bilang kapalit ng kalayaan ng dalawampu’t anim (26) na miyembro ng isang Falconry Party na kinabibilangan ng ilang royal family member.
Nasa isang hunting expedition ang ilang miyembro ng Qatari royal family sa Southern Iraq nang dukutin umano ng mga armadong grupo.
Noong Abril isinagawa ang negosasyon para sa kalayaan ng mga bihag kung saan napilitan na magbayad ang Qatar sa kabila ng ipinatutupad na “no-ransom policy.”
Ito marahil ang naging dahilan ng Saudi Arabia, Egypt, UAE, Bahrain, Yemen, Libya at Maldives upang tuldukan na ang kanilang diplomatic relations sa Qatar.
Sinupalpal ng Qatar ang akusasyon ng mga kapwa Arab at Gulf nation na supporter sila ng mga teroristang grupo.
Gayunman, inihayag ng Qatari Foreign Ministry na walang batayan ang mga akusasyon na isang malinaw na hakbang na mayroong nais maghasik ng kaguluhan sa kanilang bansa na maaaring maging mitsa ng pagkakawatak-watak ng mga mamamayan.
Samantala, ilang flights na ang kinansela habang isinara na ang Saudi-Qatari border dahilan upang hindi makapasok ang mga produktong nagmumula sa Saudi Arabia.
Panic buying
Nagsimula nang dumagsa sa mga supermarket ang mga tao sa Qatar para mag-panic buying matapos ianunsyo ng Kingdom of Saudi Arabia at iba pang Arab nations ang pagputol sa kanilang diplomatic ties sa naturang bansa.
Nag-panic buying ang mga tao matapos malaman na isasara ng Saudi Arabia at iba pang karatig-bansa ang mga borders sa lupa, dagat at airspace patungong Qatar.
Kabilang sa mga hinakot ng mga mamimili ay bigas, gatas at manok na halos pumuno na sa kanilang mga shopping carts.
Nabatid na karaniwang tumatawid ang mga tao sa borders ng Qatar at Saudi upang makabili ng mga pangunahing bilihin, partikular na ang mga pagkain.
Epektibo ang border closures 24 oras mula ianunsyo ang pagputol sa diplomatic ties sa pagitan ng Saudi at Qatar.
By Meann Tanbio and Drew Nacino
7 Arab nations pinutol ang diplomatic ties sa Qatar was last modified: June 6th, 2017 by DWIZ 882