Pinaalis ng Philippine Coast Guard ang pitong barko ng China sa gitna nang isinasagawang joint maritime exercise nito at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa Sabina Shoal.
Ayon kay PCG Spokesperson Commodore Armando Balilo, ang barkong BRP Cabra at dalawa pang barko ng BFAR ay nasa lugar nang mamataan ang naunang hindi pa natukoy na pitong dayuhang barko noong ika-27 ng Abril.
Naka-angkla sa Sabina Shoal na nasa halos 127 kilometers mula sa Mapankal Point ng Rizal, Palawan, ang kalaunay nadiskubreng Chinese maritime militia vessel.
Sinabi ni Balilo na kaagad nilang niradyuhan ang mga barko para igiit na ang mga ito ay nasa Philippine Exclusive Economic Zone.
Hindi aniya sinagot ng mga naturang foreign vessels ang tatlong beses na tawag nila sa radyo kaya’t nilapitan na ng tatlong barko ng Pilipinas ang mga ito at saka pa lamang inangat ang angkla at pinaandar ang makina ng mga ito.
Magugunitang noong Marso ay ipinarada ng China ang 200 barko nito sa Julian Felipe o Whitsun Reed. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)