Anim na call center agents ang nagpakamalang tambay at ikinulong kagabi ng mga pulis kasabay ng ikinakasang anti-tambay operation ng pamahalaan.
Ayon sa isa sa mga call center agent na naaresto, wala naman silang ginagawang masama at hinihintay lang nila ang kanilang isang kasama bago pumunta sa gimikan, nakabihis pang-alis pa sila at nakatayo lamang sa gilid ng kalsada nang imbitahin ng mga pulis sa presinto kung saan idiniretso sila sa selda kasama ng iba pang inaresto.
Paliwanag naman ni P/Chief Inspector Aaron Elago, Commander ng PCP 6 Makati Police, nagkataon na may anti-drug operation sa lugar ng mga oras na iyon pero mali pa rin ang aksyon na ipasok agad ang mga nahuli sa selda kaya pansamantala sinibak ang pulis na gumawa nito para dumaan sa re-training.
Samantala, sinabi naman ni Presidential Spokesperson Harry Roque na maaring magsampa ng kaso ang mga biktima sakaling hulihin sila ng walang dahilan.
“Well, kasi meron tayong established na mga mekanismo para protektahan ang karapatan ng kalayaan. Kapag ang mamamayan ay naaresto at hindi naman kinasuhan, pu-pwedeng makasuhan ng kriminal for illegal detention ang ating kapulisan,” paliwanag ni Roque.