Nakatakda nang isalang sa general court martial ang 7 kadeteng sangkot sa pagkamatay ni cadet 4th class Darwin Dormitorio dahil sa hazing.
Ayon kay Philippine Military Academy (PMA) commandant of cadets Brig. Gen. Romero Brawner Jr, didinggin dito ang mga kasong paglabag sa Articles of war 97 o conduct to the prejudice of good order and military discipline na posibleng ihain sa mga sangkot na kadete.
Batay na rin aniya ito sa isinagawang masusing pagsisiyasat sa insidente.
Gayunman nilinaw ni Brawner na tanging mga kadete lamang ang lilitisin sa general court martial at hindi kasama ang mga opisyal ng PMA.
Sinabi naman ni AFP spokesman marine Brig. Gen. Edgard Arevalo na bubuo ng sariling court martial ang Sandatahang Lakas laban sa mga opisyal na posibleng sangkot sa pagkamatay ni Dormitorio. — ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)