Patay ang 7 katao sa pagyanig ng magnitude 6.6 na lindol sa Mindanao, kahapon.
Batay sa impormasyon mula sa Civil Defense at pulisya, 2 sa 7 nasawi ay mula sa bayan ng Magsaysay sa Davao del Sur.
Kinilala ang mga ito na sina Jessie Riel Parba ng Kasunga National High School na nasawi matapos mabagsakan habang tumatakbo palabas ng kanilang paaralan at si Benita Saban na nalibing ng buhay sa landslide sa Barangay Tagaytay.
Kabilang sa nasawi rin ang isang buntis na si Marichel Morla na nabagsakan naman ng malaking kahoy sa Tulunan Cotabato.
Mula rin sa Cotabato ang mag amang Angel Andy at anak nitong si Rene Boy na kapwa nabagsakan ng bato.
Sa Koronadal City naman nasawi ang isang retiradong ambulance driver na kinilalang si Nestor Narciso na nabagsakan ng bahagi ng pader ng simbahan habang siya ay palabas.
Habang lumilikas naman patungo sa ligtas na lugar nang atakehin sa puso si Jeremy Sarno 36 years old mula sa Digos City.
Hindi naman bababa sa 100 katao ang sugatan sa nangyaring lindol kabilang ang mga estudyante.
Naganap kasi ang lindol sa kasagsagan ng klase ng mga mag-aaral.