Walo pa ang nadagdag sa mga nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).
Dahil dito, sumampa na sa kabuuang 134 ang COVID-19 cases sa rehiyon.
Ayon kay Bangsamoro Inter-Agency Task Force (BIATF) spokesperson Mohd Asnin Pendatun, pito sa mga ito ay mga locally stranded individuals (LSIs) habang ang isa naman ay kabilang sa mga inilikas na Overseas Filipino Workers (OFWs).
Lima sa mga ito ay mula sa Lanao del Sur habang ang nalalabing tatlo ay mga residente naman ng Basilan.
Dagdag pa ni Pendatun, lahat ng mga naturang bagong kaso ay asymptomatic o hindi nagpapakita ng sintomas ng COVID-19.
Binigyang diin din nito na mahigit sa 100 sa kabuuang kaso ng virus sa naturang rehiyon ay kinabibilangan ng mga LSIs at mga umuwing OFWs.
Sa ngayon, mayroong 67 active COVID-19 cases ang BARMM, habang 63 naman ang mga gumaling na mula sa virus, at apat na ang nasawi.
Nananatili namang COVID-19-free ang Tawi-Tawi, habang 88 mula sa kabuuang kaso ay naitala mula sa Lanao del Sur, 22 mula sa Maguindanao, 21 sa Basilan at tatlo mula sa Sulu.
Kasunod nito, sinabi ni Pendatun na paiigtingin ng lokal na pamahalaan ng Bangsamoro ang kanilang pagmomonitor sa patuloy na pagbabalik-probinsya ng mga LSIs at OFWs sa pamamagitan ng “Hatid-Probinsya” program ng gobyerno —bagay na may kinalaman umano sa pagdami ng COVID-19 cases sa rehiyon.
Samantala, kasalukuyan ding naghahanda ang BIATF para sa pagdating ng nasa 5,000 deportees mula sa Malaysia.
Nananatili namang nakasailalim sa modified general community quarantine (MGCQ) ang BARMM hanggang sa ika-15 ng Hulyo.