Sinibak na sa puwesto ang tatlong superintendent at apat na non-commission officers ng Bureau of Fire Protection (BFP) Region 6.
Kasunod ito ng pagdalo nila sa isang despedida party sa Boracay sa gitna ng umiiral na community quarantine dahil sa coronavirus disease 2019 (COVID-19) pandemic.
Ayon kay BFP Region 6 spokesperson Fire Senior Inspector Stephen Jardeleza, bilang bahagi ng isinasagawang imbestigasyon sa pitong opisyal, inilipat muna ang mga ito sa headquarters sa Manila.
Gayunman, sinabi ni Jardeleza, hindi pa maililipat nang pisikal ang pito dahil sa umiiral pa ring community quarantine protocols kaya pansamantala muna silang namamalagi sa isang quarantine facility sa Iloilo City.
Una nang pinasibak sa puwesto ni Interior and Local Government Secretary Eduardo Año ang isang BFP regional director kasunod ng isinagawang pagtitipon ng mga tauhan nito sa Boracay kung saan isa ang kalauna’y nabatid na positibo sa COVID-19.