Pito ang nasawi habang mahigit 100 ang nasagip ng mga otoridad sa nasunog na pampasaherong bangka sa Polillio Island.
Ipinabatid ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesman Commodore Armand Balilo, na lima sa mga nasawi ay lalaki at dalawa ay babae samantalang 26 ang isinugod sa pinakamalapit na ospital.
Ayon sa local government unit ng Polillio, ang Merchant 2 boat ay umalis ng isla, alas-5 ng madaling araw kanina at patungong Real, Quezon.
Alas-6 ng umaga nang magbigay ng abandon ship command ang kapitan ng bangka nang magsimula ang sunog na kinumpirmang under control mag-a-alas-10 ng umaga.
Nasa 124 passengers ang sakay ng Merchant 2, base sa Manifesto bagamat inihayag ni Polillio Mayor Cristina Bosque na ilang pasahero ang wala sa Manifesto.
Nai-tow o nahila naman ang nasabing bangka sa pampang na sakop ng Baluti Island, Barangay Cawayan sa bayan ng Real. —sa ulat ni Aya Yupangco (Patrol 5) at Bert Mozo (Patrol 3)