Inaresto ng Malaysian authorities ang pitong (7) Pilipino na hinihinalang sangkot sa mga aktibidad ng bandidong Abu Sayyaf.
Ayon kay Mohamad Fuzi Harun, Inspector General ng Malaysian Police sa estado ng Selangor, nagtatrabaho umano ang pitong Pinoy bilang security guard sa ilang pribadong kumpaniya sa Kuala Lumpur.
Batay aniya sa imbestigasyon, natukoy ang pitong Pilipino na nasa likod umano ng mga pag-atake at pagdukot ng Abu Sayyaf sa Mindanao gayundin sa Sulu Sea na pinaghahatian ng Pilipinas, Malaysia at Indonesia.
Dumating aniya sa Malaysia ang pito noong Setyembre 2015 na dumaan sa bayan ng Sandakan na bahagi ng teritoryo ng Sabah sa Borneo Island gamit ang mga pinekeng dokumento.
Magugunitang dalawa pang miyembro ng Abu Sayyaf ang naaresto rin ng Malaysian authorities sa nasabing bansa noong Setyembre 3.
—-