Pitong Pilipino na nasa New York sa Estados Unidos ang nasawi sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ayon kay Consul General Claro Cristobal, may ilang dosena pang mga Pilipino ang kasalukuyang nasa ospital at nakikipag laban para sa kanilang buhay.
Sinabi ni Cristobal na may mahigit sa 140,000 ang bilang ng Pinoy sa New York City pero karamihan dito ay immigrants at mga well established na.
Ang mga nangangailangan anya ngayon ng tulong ay yung mga hindi permanenteng residente tulad ng nasa exchange visitor program, trainees, teachers, at mga doktor na nagpapadalubhasa duon.
Pinaka apektado anya ang mga manggagawa sa hotels at restaurants na arawan ang sahod kayat pinayuhan na sila na umuwi na lamang sa bansa.
Gayunman, habang hindi pa nakakauwi ng Pilipinas ay umaapela anya ng tulong na pagkain at tirahan ang mga nabanggit na Pilipino.