Aabot sa pitong (7) piraso ng bomba ang nahukay ng isang welder sa Manila Central University Compound sa Morning Breeze St., Brgy. 84 Caloocan City.
Base sa nakuhang impormasyon, isang nagngangalang Virgilio Lapitan, 44-anyos ang agad na nagreport sa Caloocan Police Sub-Station 5 matapos madiskubre ang nasabing mga bomba.
Agad na rumesponde ang mga tauhan ng Caloocan Police Station Explosives and Canine Unit (SECU) sa naturang lugar sa pangunguna ni PLT. Leo Limbaga, kasama sina PSSG Rowell Aguiling at PSSG Jojo Basquinas na kapwa Explosive Ordnance Disposal Technicians.
Agad ding ikinasa ang safety procedures para alamin kung anong klaseng bomba ang nahukay kung saan, 3 sa mga narekober ang unexploded ordnances o hindi pa sumasabog na bomba at 4 na exploded ordnances o mga sumabog na.
Ayon sa mga otoridad, ang mga nasabing bomba ay delikado o lubhang mapanganib kayat agad itong dinala sa SECU para sa safekeeping bago ipasa sa Regional Explosives and Canine Unit-National Capital Region para sa disposal.
Una nang nakadiskubre ng mga bomba ang mga otoridad kamakailan sa excavation site sa loob ng Maynilad Compound sa Brgy. 35, Caloocan City. —sa panulat ni Angelica Doctolero