Nananatiling positibo sa Red Tide o Paralytic Shellfish Poison ang Pitong (7) lalawigan sa bansa.
Ayon sa BFAR o Bureau of Fisheries and Aquatic Resources , tig – tatlong lugar mula sa Luzon at Visayas habang isa naman sa Mindanao ang patuloy na sinasalanta ng red tide.
Kabilang dito ang baybayin ng Daram Island; Cambatutay, Irong-Irong, Maqueda, at Villareal Bays sa Western Samar; Matarinao Bay sa Eastern Samar; Carigara Bay sa Leyte at Lianga Bay sa Surigao del Sur.
Gayundin ang Honda Bay sa Puerto Princesa City, Palawan; baybayin ng Mandaon sa Masbate; baybayin ng Bataan sa mga bayan ng Mariveles, Limay, Orion, Pilar, Balanga, Orani, Abucay at Samal.
Paalala ng BFAR , hindi ligtas kainin ang lahat ng klase ng shellfish at alamang na makukuha sa mga nabanggit na lugar.
Habang ang isda, pusit, hipon at alimango umano ay ligtas namang ikonsumo pero dapat ay sariwa ang mga ito at kailangang linisin nang mabuti.