Iniimbestigahan na rin ng PNP o Philippine National Police Regional Office 3 kung may kasabwat na Koreano ang pitong (7) pulis na sangkot sa pangingikil sa tatlong (3) Korean national.
Ayon kay Aquino, hepe ng PNP Region 3, maaaring may spotter ang mga pulis sa komunidad ng mga Korean nationals sa Pampanga kayat alam nila kung sino ang gagawin nilang target.
Aminado si Aquino na posibleng matagal nang nangyayari ang ganitong gawain ng mga pulis at posibleng may iba pang mga pulis ang sangkot sa ganitong gawain.
Isa anya sa dahilan kung bakit hindi ito nabubunyag ay dahil sa pagtanggi ng mga biktimang Koreans na magsampa pa ng kaso bunga na rin ng takot.
Bahagi ng pahayag ni Chief Supt. Aaron Aquino
Samantala, tutuluyan ng PNP o Philippine National Police ang pitong (7) pulis ng Angeles City na nang-harass at nangotong sa tatlong (3) Koreano noong December 20 ng nakaraang taon.
Ayon kay Chief Supt. Aaron Aquino, hepe ng PNP Region 3, hindi lamang basta pagsibak sa puwesto ang nais ni PNP Chief Director General Ronald ‘Bato’ sa pitong (7) pulis kundi tuluyang matanggal ang mga ito sa serbisyo.
Sa ngayon anya ay back to barracks muna ang pitong (7) pulis habang dinidinig ang kasong administratibo na isinampa laban sa kanila.
Inamin ni Aquino na walang kinakaharap na kasong kriminal ang pitong (7) pulis dahil takot magsampa ng kaso ang tatlong (3) biktima nilang Korean nationals.
Ang mga pulis na sangkot sa robbery extortion ay kinilalang sina PO3 Arnold Nagayo, PO3 Roentjen Domingo, PO2 Richard King Agapito, PO2 Ruben Rodriguez, PO3 Gomerson Evangelista, PO1 Jason Ibe at PO1 Mark Joseph Pineda.
Samantala, sinabi ni Aquino na sinibak rin niya si Chief Inspector Wendel Arinas,hepe ng Angeles City PNP Station 5 at ang deputy nito na si Senior Inspector Rolando Yutuc at nakatakdang kasuhan ng grave misconduct.
Bahagi ng pahayag ni Chief Supt. Aaron Aquino
By Len Aguirre | Credit to: Ratsada Balita (Interview)