Tinutunton na ng mga awtoridad sa Cebu ang pito sa 26 na mga South Korean nationals na nagmula ng Daegu City, ang epicente ng coronavirus disease 2019 (COVID-19) sa South Korea.
Ayon kay DOH Region 7 Director Jaime Bernadas, una na nilang nakumpleto ang address na tinutuluyan at contact numbers ng 26 na South Koreans na dumating sa Cebu City, isang araw bago ipatupad ang travel ban.
Gayunman nang makumpleto na nila ang pag-round up sa mga nabanggit na Korean nationals, kanilang natuklasan na nawawala ang pito sa mga ito.
Sinabi ni Bernadas, lumabas sa isinagawang meeting ng kanilang inter-agency task force na apat ang nagbigay ng maling address ng tinutuluyang hotel, dalawa ang nakapag-checkout na habang isa ang nakabalik na ng South Korea.
Sa ngayon aniya ay patuloy ang isinasagawang beripikasyon sa mga natanggap na ulat hinggil sa pitong pinaghahanap na South Korean.
19 naman sa 26 na South Koreans ang nananatiling naka-quarantine at patuloy na asymptomatic o hindi nakikitaan ng anumang sintomas ng COVID-19.