Umalma ang mga senador na inakusahang lapdog o tuta ni Pangulong Rodrigo Duterte makaraang hindi lumagda sa Senate Resolution 516 na nananawagan na itigil na ang pagpatay ng mga menor de edad.
Ito ay matapos na lumabas sa isang artikulo sa silentnomoreph.com ang mga pangalan ng mga senador na hindi lumagda sa naturang resolusyon na sina Senate President Koko Pimentel, Senate Majority Floor Leader Tito Sotto, Senators Dick Gordon, Gringo Honasan, Manny Pacquiao, Migz Zubiri at Cynthia Villar.
Hindi mapigilan ni Senador Tito Sotto ang kanyang galit matapos na matawag na rapist, plagiarist at bastos sa mga single mom.
PAKINGGAN: Si Senator Tito Sotto
Tinawag naman na duwag ni Senador Pacquaio ang mga nasa likod ng naturang artikulo kung saan ay tinawag siyang bobo.
Dumipensa naman si Senador Villar kung saan iginiit nitong hindi sila tumangging lumagda sa nasabing resolusyon.
Senate to investigate
Nakatakdang imbestigahan ng Senado ang lumabas na artikulo sa internet kung saan binatikos ang 7 senador na nabigong lumagda sa Resolution 516 na nananawagan na itigil na ng gobyerno ang pagpatay sa mga kabataan.
Tututukan ng Senate Committee on Public Information and Mass Media ang imbestigasyon sa tinawag ng mga senador na fake news.
Pormal na ring hiniling ni Senador Tito Sotto at Manny Pacquiao na imbestigahan ng National Bureau of Investigation o NBI kung sino ang nasa likod ng naturang artikulo upang masampahan ng kaukulang kaso.
Nag- sorry naman si Senator Kiko Pangilinan dahil sa kabiguan niyang maiikot sa lahat ng senador ang naturang resolusyon.
Pag-amin ni Pangilinan, hindi na niya nagawang iparaan ang nasabing resolusyon sa iba pang mga senador dahil nakalimutan niya bunsod ng pagod.
—-