Sugatan ang pito (7) katao sa pagguho ng kisame ng Clark International Airport matapos yanigin ng 6.1 magnitude na lindol ang Pampanga.
Batay sa ulat, ang kisame sa bahagi ng check counter ng paliparan ang bumagsak at tumama sa mga biktima na agad ding isinugod sa ospital.
Wala namang nakitang pinsala ang Civil Aviation of the Philippines sa run way ng paliparan.
Gayunman, ipinag-utos pa rin ng ahensiya ang pagsasara ng Clark International Airport sa loob ng 24 oras para isailalim sa damage assessment.
Mga biyahe mula at patungong Clark International Airport, kinansela na
Kinansela na ng mga airline companies ang ilan sa biyahe ng kanilang mga eroplano patungo at mula ng Clark International Airport.
Kasunod ito ng pgasasara sa paliparan sa loob ng 24 oras bunsod ng tinamong pinsala mula sa magnitude 6.1 na lindol na tumama sa Luzon, kahapon.
Sa abiso ng Cebu Pacific, 12 international at local flights mula at patungong Clark International Airport ang kanila nang kinansela ngayong araw.
Kabilang dito ang mga biyahe patungo at pabalik ng Cebu, Bohol, Caticlan, Davao, Hongkong at Singapore mula Clark.
Habang nagpatupad din ng flight cancellation ang Air Asia sa kanilang mga eroplano na biyaheng Tacloban, Caticlan, Puerto Princesa, Cebu at Seoul South Korea mula at pabalik ng Clark.
Una nang isinara ang Clark International Airport para isailalim sa damage assessment at matiyak ang kaligtasan ng mga manlalakbay.