Isang batang edad pito ang patay sa sunog sa Barangay Commonwealth, Quezon City.
Ayon kay Jacquelyn Laksi, iniwan lamang niya ang dalawang anak na edad anim at pito sa bahay nila sa Litex Road upang puntahan ang kanyang asawang kolektor ng basura.
Gayunman, agad siyang kumaripas ng takbo pabalik ng bahay nang sumiklab ang sunog dakong alas 4:00 kaninang madaling araw.
Iniulat naman ni Laksi sa Bureau of Fire Protection ang dalawang nawawala niyang anak kung saan isa sa mga ito ay natagpuang patay habang nakaligtas ang anim na taong gulang na bata.
Nasa 50 kabahayan ang naabo sa sunog na umabot sa ikatlong alarma bago tuluyang naapula dakong ala 6:00 ng umaga.
Inaalam na ang sanhi ng pagkalat ng apoy at halaga ng mga natupok o napinsalang ari-arian.