Haharap sa kasong profiteering at pagmamanipula ng presyo ang 7 tindahan sa Maynila matapos na magbenta umano ng face mask sa napakataas na halaga.
Ayon kay Trade Undersecretary Ruth Castelo, bukod sa mga isasampang kaso, kanila ring irerekomenda sa Manila City Hall na ipasara na ang naturang mga tindahan dahil sa pananamantala.
Sinabi ni Castelo na ibinenta ng naturang mga tindahan ang N95 face mask sa halagang P150.
Aniya dapat ay sampung porsyento lang ang kita ng mga nagtitinda ng face mask kaya’t kung ang presyo nito sa supplier ay P65, aabot lang dapat sa P72 ang kanilang bentahan.
Tumaas ang demand para sa face mask partikular sa N95 mask dahil sa nararanasang ash fall bunsod ng pag-aalburoto ng bulkang Taal.