Target ng Commission on Elections o COMELEC na maabot ang pitumpu (70) hanggang walumpung (80) porsyentong voters turnout sa barangay at Sangguniang Kabataan elections.
Ayon kay Director James Jimenez, Spokesman ng COMELEC, umaasa silang marami pa rin ang boboto sa kabila ng kakaunting mga kandidato sa ilang mga barangay.
Sa pag-arangkada ng kampanya ngayong araw na ito, pinaalalahanan ni Jimenez ang mga kandidato hinggil sa mga ipinagbabawal ng batas sa pangangampanya.
“Kapag wala sa common poster area ang mga propaganda materials at posters ay bawal po sa batas ‘yan, kailangan nasa common poster area tayo, pangalawa, kailangan ‘yung mga propaganda materials natin kahit na nakapaskil sa common poster area kailangan tama ang sukat, ‘yan ang common na violation masyadong malalaki ang inilalabas na posters ng mga kandidato, kailangan po ang sukat ay maximum ng 2 feet by 3 feet.” Ani Jimenez
Maging ang mga botante na hindi nakaboto noong 2016 elections ay binigyan ng paalala ni Jimenez.
Sakali anyang hindi sila makaboto ngayong barangay at SK elections ay tatanggalin na ang kanilang pangalan sa listahan ng mga botante.
“Magiging pilosopo lang ako ng konti, ang talagang pinakamabigat na konsekuwensya ng hindi pagboto eh syempre kumbaga wala kang input kung sino ang magiging leader mo sa barangay, mahirap ‘yan baka paggising mo kinabukasan barangay captain mo na pala ay ‘yung nakaaway mo, kailangan lumahok ka para may say ka rin.” Pahayag ni Jimenez
Pre-mature campaigning
Nakatali ang kamay ng Commission on Elections o COMELEC sa mga kandidatong sangkot sa maagang pangangampanya.
Sa kabila ito ng pagkumpirma ni Director James Jimenez, Spokesman ng COMELEC na marami na silang natatanggap na reklamo laban sa mga kandidato na nagsimula nang mangampanya bago pa ang pagsisimula ng campaign period sa araw na ito.
Ayon kay Jimenez, nagkaroon na noon pa ng desisyon sa isyung ito ang Korte Suprema.
(Ratsada Balita Interview)