Nadiskubre ang higit 70 mga bagong katay na aso sa isang trak matapos itong masangkot sa isang aksidente sa Imus, Cavite.
Ayon kay Imus City Police Chief Supt. Norman Ranon, bumangga ang pick-up truck sa isa pang sasakyan sa Barangay Anabu 2D sa kahabaan ng Aguinaldo Highway kahapon.
Nagulat ang mga pulis nang buksan ang trak dahil tumambad sa kanila ang mga sariwang karne ng aso.
Agad naman nakatakas ang drayber ng trak bago pa man dumating ang mga pulis.
Bagama’t hindi pa matukoy kung sino ang nagmamay-ari ng trak at ang pinagmulan ng karne ng aso, siniguro ni Imus Mayor Emmanuel Maliksi na papanagutin ang nasa likod ng naturang iligal na kargamento.
By Rianne Briones