Labis na ikinatuwa ng Pamahalaang Lungsod ng Marikina ang tugon ng National Task Force on COVID-19 response.
Ito’y kasunod ng hirit na dagdag alokasyon ng lungsod para sa COVID-19 vaccine sa sandaling simulan na itong maipamahagi ngayong unang bahagi ng taon.
Ayon kay Marikina Mayor Marcelino Teodoro, mismong si Task Force Chief Implementer at Vaccine Czar Sec. Carlito Galvez ang nagsabing sasagutin ng Pamahalaan ang bakuna para sa 70% ng kanilang populasyon.
Paliwanag ng alkalde, bagama’t may nakausap na silang pharmaceutical companies para sa mga bakuna, aminado siyang hindi iyon sapat lalo’t maliit lang ang kanilang budget kumpara sa ibang lungsod.
Sa kabila nito, ipinagmalaki ni Teodoro na handa ang kanilang lungsod sa logistical requirements tulad ng mga doktor, nurse at mga kagamitan sa pagbabakuna.
Kinuha na rin ng alkalde ang pulso ng kaniyang mga nasasakupan lalo’t sila ang naging buena mano nuon sa rollout ng kontrobersyal na anti dengue vaccine na Dengvaxia at positibo naman ang nakukuha niyang sagot. —ulat mula kay Jaymark Dagala (Patrol 9)