Handa nang ipakalat ng Philippine National Police (PNP) ang nasa 70% ng mga tauhan nito para magbigay seguridad sa sandaling pormal nang ilarga ang pagbabakuna kontra COVID-19.
Subalit ayon kay PNP Spokesman P/Bgen. Ildebrandi Usana, nakadepende aniya ang dami ng ipakakalat na mga pulis sa pangangailangan ng mga vaccination site na maitutulad sa kanilang deployment tuwing halalan.
Pagtitiyak ni Usana, hindi nila pababayaan ang kampaniya kontra iligal na droga at krimen sa kabila ng pagiging abala nila sa pagbabantay sa mga vaccination site.
Magugunitang inatasan ng Department of the Interior and Local Government (DILG) ang PNP na tiyaking magiging maayos at matiwasay ang gagawing pagbabakuna sa mga Pilipino.