Pinakamasayahin pa rin umano ang mga manggagawang Filipino pagdating sa kanilang trabaho kahit mababa ang kanilang sahod.
Ito’y kahit napakatindi ng trapik sa Pilipinas at isa ito sa mga bansa sa Timog Silangang Asya na may mababang pasweldo.
Ayon sa survey ng Jobstreet Philippines, 70 % ng mga empleyadong Pinoy ang nagsabing masaya sila sa kanilang trabaho habang ang mga empleyado sa Hong Kong at Indonesia ang mayroong pinakamababang satisfaction rate.
Paliwanag ni Jobstreet Phils. Marketing director Yoda Buyco, ito’y dahil kaunti lamang kasi ang mga obrero sa mga naturang bansa na nagsabing masaya sila sa kanilang trabaho.
Lumitaw din sa nasabing survey na 55% o mayorya ng mga Filipino employee ang nagsabing “quite happy” sila sa kanilang trabaho habang 15% naman ang nagsabing “very happy” ang mga ito.
Ayon kay Buyco, posibleng ang “strong family ties” ng mga Pinoy ang isa sa dahilan kaya laging masayang pumapasok sa trabaho ang bawat manggagawang Filipino.
By: Jelbert Perdez