Ipinasasama na ni Agrarian Reform Secretary Rafael Mariano sa CARP o Comprehensive Agrarian Reform Program, ang mahigit pitong daang (700) ektarya ng lupain ng Hacienda Luisita, kabilang ang 353 hektaryang pag-aari ng TADECO o Tarlac Development Corporation.
Sinabi ni Mariano na ito ay upang maipatupad na ang kautusan ng Korte Suprema noong 2004, na ipamahagi sa mga magsasaka ang lupain ng Hacienda Luisita.
Sinabi ni Mariano na batay sa kanilang pinakahuling imbestigasyon at ocular inspection ay nakitang maaaring maisama ang lote ng TADECO sa Barangay Balete at Cutcut sa mga lupaing maaring ipamahagi sa mga magsasaka.
Noong 2004, pito (7) katao ang nasawi at mahigit 100 iba pa ang nasugatan sa tinawag na “Hacienda Luisita massacre,” na nag-ugat sa marahas na dispersal sa nagpo-protestang mga magsasaka.
By Katrina Valle