Nilimas ng apat na indibidwal ang mahigit 700 libong pisong laman ng isang Automated Teller Machine (ATM) sa branch ng Producer’s Bank sa Magsaysay, Cordon, Isabela.
Base sa CCTV footage na nakuha, alas-tres ng madaling araw, humukay ng tunnel papasok sa bangko ang apat na suspek.
Ayon kay Pedro De Vera, security guard sa lugar, nang buksan nila ang bangko ay nalanghap nila ang masangsang na amoy mula sa loob.
Dito ay natagpuan ang isang butas sa loob ng opisina ng manager at nadiskubreng wala na ang aabot sa P714, 000 na laman ng ATM.
Natagpuan din ng mga otoridad ang isang piraso ng cutting disc, metal hacksaw, steel pipe, dalawang square logs at iba pang equipment na hinihinalang ginamit sa paghuhukay.
Patuloy pang iniimbestigahan ng mga otoridad ang naganap na insidente. – sa panulat ni Angelica Doctolero