Pumapalo na sa 72 kongresista ang lumagda para i-override ang veto ng Pangulong Benigno Aquino III sa panukalang itaas ang pensyon ng mga senior citizens mula sa Social Security System o SSS.
Ayon kay Bayan Muna Partylist Representative Neri Colmenares, positibo siyang makakakuha sila ng kailangang 192 lagda bago ang pagbabalik ng sesyon sa May 23 para sa canvassing ng mga boto.
Sinabi ni Colmenares na kabilang rin sa mga handang i-override ang veto ng Pangulo ay mga mambabatas na miyembro ng Partido Liberal.
Matatandaan na hindi nabigyan ng pagkakataon si Colmenares na maipasalang sa botohan ang mosyon niyang i-override ang veto ng Pangulo sa SSS pension bill sa huling sesyon ng Kongreso.
“Noong isang araw 64 pero kahapon may nadagdag na 8 so madadagdagan magiging 72 siya by today, dumadami, kasi yung ibang Congressmen ay nakapirma na pero hindi pa nila binibigay yung resolutions so ngayon nila binibigay kaya medyo dumadami , mahaba pa May 23 pa ang pagfa-file ko ng motion to override so we have enough time para kumalap ng 192 lalo na medyo mabilis naman yung pag-signify ng mga Congressmen.” Pahayag ni Colmenares.
By Len Aguirre | Balitang Todong Lakas