Balik bansa na ang ika-apat na batch ng mga Overseas Filipino Workers (OFW’s) na nasawi sa Saudi Arabia dulot ng COVID-19 gayundin ng iba pang karamdaman.
Mula sa 72 labi ng OFW’s na nagbalik bansa, 62 sa mga ito ang nabatid na nasawi bunsod ng COVID-19.
Lulan ang mga nabanggit na bangkay ng OFW’s ng isang chartered flight ng Philippine Airlines (PAL) kung saan, 40 sa mga ito ang nagmula sa Al Khobar, 17 ang mula sa Jeddah at 15 ang nagmula sa Riyadh.
Mula Hulyo, papalo na sa 267 labi ng OFW’s ang nai-uwi na sa bansa mula sa Saudi Arabia kung saan, agad na idineretso ang mga ito sa crematorium buhat sa Ninoy Aquino International Airport Terminal 3.
Habang ang iba naman ang ibiniyahe na papauwi sa kani-kanilang mga lalawigan upang doon na lamang i-cremate bilang pagtalima na rin sa umiiral na health protocols sa mga umuuwing bangkay.