Tinatayang umaabot sa 740.7 million pesos kada araw ang hindi nagagastos na pondo ng pamahalaan dahil sa pagkakabalam ng 2019 national budget sa loob ng dalawang buwan.
Ayon kay Finance Assistant Secretary Tony Lambino, nitong Enero at Pebrero pa lamang nasa 43.7 billion pesos na pondo para sa mga proyektong makakatulong sa ekonomiya ang hindi nagalaw ng pamahalaan.
Paliwanag ni Lambino, pinakamalaking naaepektuhan nito ang mga infrastructure program ng pamahalaan lalo’t pinakamaganda aniyang panahon ang Enero hanggang Marso para simulan ang mga proyekto dahil sa magandang klima.
Dahil dito, kinakailangan aniyang pag-aralan ng ahensiya kung paano aayusin ang spending program ng pamahalaan para makahabol sa mga hindi nagawang proyekto noong Enero hanggang nitong Marso.
Dagdag ni Lambino, apektado rin ang programa para sa social protection tulad ng ‘Unconditional Cash Transfers’ at ‘Pantawid Pasada’ kung saan hindi nasimulan ang pamamahagi sana ng may malaking pondo para sa mga benipisyaryo.