Mayorya ng mga Pilipino ang hindi pabor na talakayin ng kongreso ang Charter Change.
Base ito sa resulta ng pinakahuling pag-aaral na isinagawa ng Veritas Truth Survey (VTS) sa 600 online respondents sa buong bansa mula ika-4 ng Enero hanggang 8.
Lumalabas sa survey na 75% ng respondents ang hindi sang ayon na talakayin ng kongreso ang Cha-Cha, 23% ang pabor habang undecided naman ang 2%.
Lumilitaw sa VTS na walo sa sampung Pilipino ang ayaw na talakayin at pakialaman ng mga mambabatas ang economic provisions ng 1987 Constitution.
Sinabi ni Brother Clifford Sorita, chief strategist ng VTS na ang resulta ng pag-aaral ay nagpapakita na mas dapat munang pagtuunan ng mga mambabatas ang ibang mahalagang usapin.
Binigyang diin naman ni Father Anton Pascual, pangulo ng Radio Veritas na ang nasabing resulta ng survey ay wakeup call at nagpapakitang hangad ng mga Pilipino ang tunay na political transformation.
Ang damdamin aniya ng mga Pilipino ay sumasailalim na lubhang kailangan na ang character change at hindi Cha-Cha sa political system ng bansa.
Itinulad pa ni Pascual ang Cha-Cha ng walang social change sa pagsusuot ng bagong biling damit nang hindi naliligo.