Napapanahon na para ipasa ang panukalang batas na nagtatakda ng P750 nationwide minimum wage.
Iyan ang binigyang diin ni Bayan Muna Party-list Representative Carlos Isagani Zarate para malabanan ang epekto ng bagong Tax Reform Law sa mga manggagawa at makapamuhay ng disente ang mga Pilipino.
Sakali aniyang makalusot ang naturang panukala, sinabi ni Zarate na tiyak nang maabot ang kalahati ng sinasabi ni Socio-Economic Planning Secretary Ernesto Pernia.
Una rito, inihayag ng National Economic Development Authority (NEDA) na kakailanganin ng 42,000 pisong buwanang sahod para makapamuhay ang mga Pilipino ng disente at kumportable.
Kung tutuusin ayon kay Zarate, kulang pa ang inihihirit nilang dagdag suweldo para maabot ang panibagong pagtaya na iyon ng NEDA.
—-