Umabot na sa pitundaan limampu (750) ang bilang ng panibagong kaso ng Human Immuno-Deficiency Virus o HIV sa Pilipinas kabilang ang tatlong buntis na nahawa ng naturang sakit.
Batay ito sa HIV-AIDS at Anti-Retroviral Registry of the Philippines ng Department of Health (DOH), noong Disyembre.
Sa pinakabagong tala ng HARP, 721 o 96 percent ng kabuuang bilang ay lalaki kung saan apatnaraan labindalawa (412) ang kabilang sa 25 to 34 age group at dalawandaan dalawampu’t isa (221) ang nasa 15 to 24 age bracket.
Pakikipagtalik ang pangunahing sanhi ng pagkalat ng HIV kung saan 734 cases o 88 percent ay mga lalaking nakikipagtalik sa mga kapwa lalaki habang ang nalalabing 16 cases ay nakuha sa pamamagitan ng needle-sharing sa mga injecting drug user.
Kabilang din sa pinakabagong kaso ang tatlumpu’t apat (34) na kabataang edad sampu (10) hanggang labinsyam (19) na pawang nahawahan sa pamamagitan din ng pakikipagtalik.
Nananatili ang National Capital Region na may pinakamataas na bilang ng kaso na 267 o 36 percent na sinundan ng CALABARZON, 136 cases o 18 percent; central Luzon, 74; central Visayas, 59; at Davao, 46.
By Drew Nacino