Inaresto ang nasa 76 na katao na kinabibilangan ng 13 Pinoy at 63 Chinese nationals na nag-tatrabaho sa isang Philippine Offshore Gaming Operators (POGO) sa lungsod ng Makati.
Ayon kay NCRPO chief Police General Debold Sinas, sinalakay ng mga operatiba ng Southern Police District, Makati City Police, at ilan pang intelligence unit ang mga bahay nito sa barangay Olympia sa naturang lungsod.
Nalaman ng mga awtoridad ang mga iligal na gawain, makaraang magbigay ng tip sa pulisya ang isang informant hinggil sa umano’y online sugal na pinatatakbo ni “Xiao Bao” na isang Chinese national.
Narekober sa isinagawang raid ang mga laptop, cellphone, internet modem, at iba pang mga ginagamit sa operasyon.
Kasunod nito, dinala na sa Camp Bagong Diwa sa Taguig City ang mga naaarestong suspek, habang hinahanda pa ang mga patung-patong na kasong ihahain dito.
Bukod pa riyan, nilabag din ng mga ito ang mga protocols na ipinatutupad kasunod ng umiiral na enhanced community quarantine (ECQ) dahil sa banta ng coronavirus disease 2019 (COVID-19).