Sa edad na 78, natupad ni lola Salvacion Jurinario mula sa Jaro, Iloilo City, ang kanyang pangarap na makakuha ng high school diploma.
Isa kasi siya sa 45 passers ng Alternative Learning System (ALS) sa Buntatala National High School.
Tubong Himamaylan sa lalawigan ng Negros Occidental ang pamilya ni lola Salvacion. Pang-anim siya sa siyam na magkakapatid.
Dahil sa hirap ng buhay simula pa noong bata siya, isinantabi niya muna ang kanyang pag-aaral.
Ngunit hindi ito naging hadlang para kay lola Salvacion na tuparin ang kanyang pangarap na makapagtapos.
At nitong May 30, 2024, naranasan na niya sa wakas ang pakiramdam ng pagmamartsa sa entablado sa kanyang graduation ceremony.
Para kay lola Salvacion, “anghel” ang kanyang naging teacher na si Rossniño Pasaporte na gumabay sa kanyang paglalakbay bilang estudyante.
Higit sa lahat, labis ang pasasalamat niya sa Panginoon dahil sa pagdating ng mahalagang tagumpay na ito sa kanyang buhay.
Sa kabila ng paglipas ng panahon at mga pagsubok na kanyang hinarap, ipinakita ni lola Salvacion na posible pa ring makamit ang ating mga pangarap, basta’t mayroon tayong determinasyon at pananalig.