Mahigit 70 na locally stranded individuals (LSIs) sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM) ang nagpositibo sa coronavirus disease 2019 (COVID-19).
Ito ay ayon sa Bangsamoro Inter-Agency Task Force kung saan, 79 sa 405 LSIs sa naturang rehiyon na nanggaling sa Metro Manila ang tinamaan ng virus.
Pito (7) umano sa 79 na nagpositibo sa virus ay pawang mga menor-de-edad —edad 3-taon hanggang 13-taon.
Ayon kay BARMM spokesman Atty. Naguib Sinarimbo, 257 pa lamang sa 405 LSIs ang nakatanggap na ng resulta ng kanilang swab tests habang inaantabayanan pa ang resulta para sa nalalabing 148.
Kasalukuyan naman nang nasa isolation facilities sa Sultan Kudarat at Maguindanao ang mga nagpositibong LSIs.
Sa ngayon, nakapagtala na ng 244 na kaso ng COVID-19 ang BARMM; 100 sa mga ito ang naka-recover habang anim ang pumanaw.