Walo (8) hanggang syam (9) na locally stranded individuals (LSIs) na nagkanlong sa Rizal Sports Complex ang nagpositibo sa rapid test.
Ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo, lead convenor ng Hatid Tulong Program, agad dinala sa isolation facility ang mga nagpositibo sa rapid test para sa confirmatory test o PCR test.
Ang mga nagpositibo sa rapid test ay kabilang sana sa 3,600 LSIs na nakauwi na sa kanilang lalawigan nitong linggo ng gabi.
Tiniyak ni Encabo na napagsabihan na ang mga LGUs na tatanggap sa LSIs upang agad ma-swab test at ma-quarantine ng 14 na araw ang mga kaanak at nakasalamuha ng mga nagpositibo sa COVID-19.
Ayon kay Encabo, sigurado rin silang hindi makakapag-uwi ng virus ang mga nakauwi na sa probinsya dahil ang rapid test ay isinasagawa sa araw mismo ng kanilang pag-uwi.
Ang mga naunang napauwi sa kanilang lalawigan ay kasama sa halos 6,000 LSIs na nagkumpol-kumpol sa Rizal Sports Complex.
Pagkukumpulan ng mga LSIs idinepensa
Muling idinepensa ng Hatid Tulong Program ang pagkumpol-kumpol ng mga locally stranded individuals (LSIs) sa Rizal Sports Complex.
Ayon kay Presidential Management Staff (PMS) Assistant Secretary Joseph Encabo, napilitan na silang piliin ang pagkumpol-kumpol ng mga LSIs kaysa sa iwan sila sa gitna ng malakas na ulan o kaya ay napakatinding sikat ng araw habang prinoproseso ang pag-uwi nila sa lalawigan.
Sinabi ni Encabo na makaraan naman ang ilang oras ay naayos din at nagkaroon din ng kahit paano ay social distancing nang ilipat nila sa katabing football field ng Philippine Sports Commission ang ilan sa mga LSIs.