Inaresto ng Cebu City Police Office ang walong miyembro ng militanteng grupo dahil sa paglabag sa umiiral na quarantine protocols sa Cebu City.
Kasunod ito ng isinagawang Black Friday protest kontra Anti-Terror bill ng mga militante sa harap ng campus ng Univeristy of the Philippines sa naturang lungsod.
Kinilala ng Cebu City Police Office ang mga naaresto na sina Jaime Paglinawan ng BAYAN – Central Visayas, Joahanna Veloso ng NUSP, at Bern Cañedo ng UP Cebu Student Council.
Gayundin si Dyan Gumabao ng Kabataan Partylist – Cebu at Nar Perlas ng Anakbayan – UP Cebu, at iba pang nakilalang sina Janry Ubal, Ai Ingking at Clement Ventic Corominos.
Ayon sa pulisya, maliban sa paglabag sa Bayanihan to Heal as One Act dahil sa mass gathering, hindi rin sinunod ng mga rallyista ang physical distancing.
Iniimbestigahan na ng pamunuan ng University of the Philippines Cebu campus ang nangyaring pag-aresto ng pulisya sa walong rallyista kahapon.
Ayon kay UP Cebu chancellor Liza Corro, kanilang titingnan kung nalabag ba ng mga pulis ang kasunduan nila sa Department of National Defense (DND) nuong 1989.
Nakasaad kasi sa nasabing kasunduan, hindi maaaring pasukin ng mga miyembro ng Armed Forces of the Philippines (AFP) gayunidn ng Philippine National Police (PNP) ang alinlang campus ng UP lalo’t kung wala itong maayos na pakikipag-ugnayan sa liderato ng pamantasan.
Pero sa panig ng Police Regional Office 7, nanindigan ang hepe nito na si P/BGen. Albert Ferro na lehitimo ang ginawa nilang pag-aresto sa mga rallyista lalo’t ito ang nagpasiklab ng gulo.
Nakasalig aniya sa hot pursuit ang ginawang dispersal ng mga pulis sa mga rallyista dahil ilan sa mga ito ang nanunulak pa sa mga pulis at pilit na ginagamitan ng puwersa.