Umabot na sa walong (8) miyembro ng islamic state-inspired group na Bangsamoro Islamic Freedom Fighters o BIFF ang patay sa pakikipag-sagupaan sa militar sa bayan ng Sultan sa Barongis, Maguindanao.
Kabilang sa napaslang ang mga lalaking mukhang Arabo, dalawang Malaysian at isang Singaporean na kinilalang si alyas Mawiya na pawang mula sa Dawlah Islamiyah Torayfe Faction na pinamumunuan ni Salahudin Hasan.
Ayon kay Major General Cirilito Sobejana, commander ng Joint Task Force Central at 6th Infantry Division, kabilang si Hasan sa mga malubhang nasugatan sa apat na oras na bakbakan.
Si Hassan ay isa sa mga estudyante ng Malaysian bomber na si Zulkifli Bin Hir alyas Marwan na napatay sa isang police operation sa Mamasapano noong January 2015.
Ang naturang operasyon ay nagresulta sa pagkakapatay sa apatnapu’t apat (44) na miyembro ng PNP-Special Action Force at labingpitong (17) miyembro ng Moro Islamic Liberation Front at ilang sibilyan.
BIFF
Samantala, itinanggi ni Bangsamoro Islamic Freedom Fighters (BIFF) Spokesperson Abu Misry Mama na kabilang sa napatay ng militar ang ilang miyembro ng kanilang grupo sa sagupaan sa Sultan Barongis Maguindanao.
Ayon kay Mama, hindi nahahati sa paksyon ang BIFF at hindi rin sila nakipagsanib sa Islamic State o sa grupong Dawlah Islamiyah.
Una rito, sinabi ni Joint Task Force Central Commander Major General Cirilito Sobejana na walong miyembro ng ISIS inspired BIFF at Dawlah Islamiyah ang napatay ng militar sa kanilang pinaigting na operasyon.
Kinilala ang ilan sa mga nasawi na sina Hashim, Abo Salik, Abo Tutin, Saidin Kusain at Guabar Sulaima habang kabilang sa sampung nasugatan ang bomb expert na si Salahudin Hassan ng BIFF.
“Tungkol naman doon sa mga ibang grupo, mga ISIS at iba pa ay wala naman tayong pakialam doon, hindi po natin sila kasapi, at hindi naman tayo kasapi ng mga sinasabi nilang mga grupo, hindi natin sila kaaway at hindi naman natin sila kaibigan, pero hindi naman natin sila kaaway kasi kalaban nila ang kalaban namin na gobyerno na rin.” Pahayag ni Mama
(Krista de Dios / Balitang Todong Lakas Interview)