Sinampahan na ng mga kasong kriminal ng Philippine National Police-Criminal Investigation and Detection Group (PNP-CIDG) ang dalawang barangay captains at anim na iba pang local officials dahil sa umano’y anomalya sa distribusyon ng emergency cash subsidy.
Ayon kay Col. Reynante Panay, CIDG Eastern Visayas director, mga kasong paglabag sa Anti-Graft and Corruption Practices Act at Bayanihan to Heal as One Act ang inihain laban sa chairman, apat na konsehal, secretary at treasurer ng Brgy. Nati, Maasin City, Southern Leyte.
Sinasabing nanghingi ang mga barangay officials ng P1,500 na donasyon mula sa mga benepisyaryo ng cash aid sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP) ng Department of Social Welfare of Development (DSWD).
Una rito, sinampahan ng kasong paglabag sa Code of Ethical Standards for Public Officials and Employees ang tserman ng Brgy. Jordan sa Palompon, Leyte matapos mabunyag na binawasan nito ng P1,000 ang emergency cash subsidy ng bawat beneficiaries para ipamigay sa mga hindi nakatanggap nito.