Walo ang naitalang nasawi dahil sa COVID-19 sa Sorsogon.
Kinumpirma ito ng pamunuan ng Sorsogon Provincial Health Office kung saan nabatid na pito sa mga ito ay fully vaccinated na laban sa virus habang ang isa naman ay nakatanggap pa lamang ng first dose ng bakuna.
Sinabi ni Provincial Health Officer Dr. Renato Bolo Jr., na batay sa kanilang datos ay umabot na sa 286 ang kabuuang bilang ng mga nasawi sa naturang sakit.
Base rin aniya sa kanilang pag-aaral, maraming senior citizen na bakunado na ang nakaligtas mula sa pagkasawi kumpara sa mga hindi pa nabakunahan.
Kaugnay nito, patuloy na hinihikayat ng PHO ang mga residente na magpabakuna na kontra COVID-19. —sa panulat ni Hyacinth Ludivico