Patay sa gang war ang walo (8) katao na kinabibilangan ng mga teenagers, isang buntis at ang sanggol sa kanyang sinapupunan.
Lima sa mga biktima ang dead on the spot samantalang naisugod pa sa ospital ang dalawang iba pa.
Patay rin ang sanggol sa sinapupunan ng isa sa mga biktima na nakilalang si Annalyn kayat isinama ito sa bilang ng pulisya.
Batay sa imbestigasyon, apat na lalaki na sakay ng dalawang motorsiklo ang pumasok sa eskinita sa bahagi ng Blk 17, Phase 8A, Package 14 North Caloocan.
Dalawa sa mga ito ang nagsilbing lookout habang ang dalawang iba pa ang bumaril sa mga biktima.
Patay sa mismong pinangyarihan ng krimen sina Jonel Segobia, 15 anyos, Sonny Espinosa, 16-anyos, isang alyas Emi at magbiyenan na sina Cristina Santur at Annalyn na ilang buwang buntis.
Naisugod naman sa Tala Hospital sina Kenneth Lim, 15 anyos at Noynoy Santur, 21 anyos na idineklarang dead on arrival habang patuloy na nilalapatan ng lunas ang isang Edward, 18 anyos.
Ayon kay Laudencio Ramos Purok Leader, malaking problema sa kanilang lugar ang mga riot na kinasasangkutan ng mga kabataan.
Maaari umanong gumanti ang kaaway na grupo nitong mga nasawing kabataan.
Hindi naman umano nasangkot sa iligal na droga ang mga biktima.
By Len Aguirre | Jopel Pelenio (Patrol 17)