Patuloy na tumataas ang kaso ng COVID-19 sa walong lungsod sa Metro Manila.
Ayon kay Epidemiology Bureau Director Alethera De Guzman, natukoy ito sa mga lunsod ng Valenzuela, Pasay, Malabon, Pasig, Makati, Navotas, Las Piñas at Manila.
Paliwanag ni De Guzman, nakikitaan pa rin ng pagtaas ng mga kaso sa mga nabanggit na lungsod, bagama’t hindi na aniya ito kasing laki noong nakaraang dalawang linggo.
Pangunahing dahilan pa rin aniya nito ang paglabas na ng mas maraming tao sa mga pampublikong lugar lalo nitong nagdaang holiday gayundin ang pagdalo sa mga pagtitipon-tipon.
Maliban sa walong lungsod sa Metro Manila, nakitaan din ng DOH ng patuloy na pagtaas ng mga kaso sa Regions 7, 10 at Caraga.
Sinabi ni De Guzman, partikular na nakitaan ng pagsirit sa mga kaso ng COVID-19 ang lalawigan ng Cebu at Bohol gayundin sa mga siyudad ng Cebu, Lapu-Lapu at Mandaue.
Habang patuloy din ang pagtaas ng kaso sa lahat ng mga lalawigan sa Caraga Region maliban Sa Agusan Del Sur gayundin sa Bukidnon, Cagayan De Oro, Iligan City at Misamis Oriental sa Region 10.