Sinimulan na ng Department of Health (DOH) ang kampanyang “smoke-free beaches, parks and tourist destinations”, kasabay ng pagdiriwang ng “World No Tobacco Day” kahapon.
Layunin ng nasabing kampanya na protektahan ang mga beach, pasyalan at iba pang tourist spot maging ang kalusugan ng mga mamamayan laban sa masamang epekto sa katawan at kapaligiran ng paninigarilyo.
Ayon kay Health Secretary Francisco Duque, III, tatagal ng walong buwan ang smoking ban at sakop nito ang ilang lugar sa Boracay Island, Aklan at iba pang tourist destination.
Kasama rin anya sa mga “pilot area” para sa smoke-free beaches campaign ang Palawan, Caramoan sa Camarines Sur at iba pang “premiere beach destinations”.
Sa datos ng Stopping Tobacco Organizations and products taun-taon, aabot sa 4.5 trilyong sigarilyo ang itinatapon bilang basura habang 4.2 milyong upos ng yosi ang nauuwi sa mga dalampasigan at waterways.