Nagpaalala ang Bureau of Fire Protection (BFP) sa mga may-ari ng iba’t ibang high rise buildings tulad ng condominium na tiyaking gumagana ang kanilang mga fire protection system.
Ito’y upang maiwasan ang pagkakaroon ng mga casualty at magdulot ng mas malaking pinsala sakaling magkasunog sa kanilang lugar.
Kagabi, walo ang nasugatan matapos lamunin ng apoy ang residential area na bahagi ng isang condominium building sa Brgy. Bagong Lipunan ng Crame sa Quezon City.
Ayon kay F/CInsp. Joseph del Mundo ng Quezon City Fire Department, nagmula ang sunog sa basurahan mula sa ika-anim na palapag ng Cluster 1 condominium.
Nagtamo ng minor burns ang mga nasugatan na nagtangkang apulahin ang sunog na nasa unang alarma habang hinihintay ang pagdating ng mga bumbero.
Tinatayang nasa humigit kumulang P320,000 ang naging pinsala sa sunog.